Aba Ginoong Barya, Nakapupuno Ka ng Alkansiya

Serendipeter
6 min readMay 10, 2020

--

“Aba ginoong barya, nakapupuno ka ng alkansiya, ang prayle ay sumasainyo. Bukod ka niyang pinagpala’t higit sa lahat, pinagpala naman ang kaban mong mapasok. Santa Barya, Ina ng Deretsos, ipanalangin mo kaming huwag anitan ngayon at kami ipapatay. Siya nawa.”

Ang mga katagang ito, halaw mula sa obrang Dasalan at Tuksuhan ni Marcelo H. Del Pilar ay kaniyang isinulat mahigit isang siglo na ang nakalilipas. Hindi lamang nagdilang-anghel si Del Pilar kundi naging propesiya na ang kaniyang mga salita. Mayroong buhay kung baga ang kaniyang akda na hanggang sa kasalukuyan ay umuusig sa mga banal na makasalanan. Sinusuri nito ang uri ng lipunang mayroon ang mga Pilipino mula sa kaibuturan ng ating kultura bilang bansang may mayoryang mananampalatayang Kristiyano.

Malaki ang papel na ginagampanan ng relihiyon sa buhay ng bawat Kristiyanong Pilipino. Makikita ito sa palagiang pagdagsa ng napakaraming deboto tuwing Traslacion ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Ati-atihan sa Aklan, Dinagyang sa Iloilo at Sinulog sa Cebu. Maging sa pagtitipon ng ibang mga Kristiyanong relihiyon tuwing mahahalagang araw ng pagsamba tulad ng Iglesia ni Kristo, Kingdom of Jesus Christ, Ang Dating Daan at iba pang ebanghelikal na kongregasyon sa Pilipinas. May gahum kung baga ang relihiyon na nakatali sa bawat tao na nanampalataya. Malalim ang ugnayan ng mga Pilipino sa simbahan at sa ebanghelyo sapagkat naiuugnay nila ang kanilang mga pansariling karanasan sa mga kuwento ng pagdurusa at pagpupunyagi upang makamit ang kaliwanagan at kaluwalhatian na siyang ipinupunto ng bibliya. Gayunpaman, gaano man maging relihiyoso ang mga Pilipino, marami pa rin ang patuloy na nagdurusa sa kahirapan ng buhay. Ngunit sa likod ng bawat pagdurusa ng mga ordinaryong mananampalataya, ay siya namang pagkarangya ng pamumuhay ng mga nagpapakabanal na umuusig ng makasalanan sa lupa. Sa pagkakabunyag ng maraming isyu tungkol sa mga simbahan sa Pilipinas, ang altar ng mga lihim na pinakatago-tago ay unti-unting natutuklasan at ang belong nakatalukbong ay dahan-dahang nahuhubad upang ipakita ang tunay na mukha ng mga bulaang propeta.

Kung pag-uusapan ang relihiyon, ang Pilipinas ay ang natatanging bansa sa Asya na mayoryang binubuo ng mga Kristiyano. Humigit-kumulang 80% ay mga Katoliko, 3% ay Iglesia ni Kristo, 3% ay Ebanghelikal na Kongregasyon at ang natitira ay galing sa iba pang mga relihiyon. Konserbatibo ang bansang Pilipinas at nanatiling malakas ang pananampalataya at paniniwala sa mga relihiyon bilang tulay na magliligtas at magdadala sa kaluluwa patungong langit. Maraming simbahan o samahang ebanghelikal ay ngayong umuusbong sa Pilipinas. Sila ay mga kongregasyong bagong tatag o mga tumiwalag sa mga malaking simbahan tulad ng Katoliko. Kasabay ng pagdami ng mga relihiyosong samahan ay ang pagdami rin ng mga isyung may kaugnayan sa maling paggamit ng pera mula sa mga donasyon at kontribusyon tulad ng katiwalian, korupsyon at panloloko sa mga miyembro at mananampalataya ng mga simbahan. Sa ganitong paraan, nagiging daluyan ng komersyo ang mga simbahan na ang pangunahing layunin ay ang ipahayag ang ebanghelyo.

Tagapagligtas o Hudas?

Kung matatandaan, ilang malalaking simbahan sa Pilipinas ang nasangkot sa malalaking isyung pumutok nitong nakaraang dekada. Ang pinakahuli, at maituturing na pinakamalaking isyung kinasangkutan ng isang Kristiyanong simbahan sa Pilipinas, ay ang sinasabing investment scam na isinagawa ng Kabus Padatoon o KAPA Community Ministry sa humigit-kumulang limang milyong miyembro nito. Itinatag ito ni Joel A. Apolinario na umuupong presidente ng korporasyon ngunit mas kilala bilang pastor ng mga miyembro nito. Ayon sa Artikulo ng Ingkorporasyon nito o ang katibayan ng pagiging lehitimong korporasyon, ang pangunahing layunin ng KAPA bilang isang relihiyosong korporasyon ay ang pangasiwaan ang mga ari-arian nito para sa pagnenegosyo. Ngunit hindi nakasaad ang pagbebenta ng securities o bahagi ng kompanya upang lumago at kumita. Samakatuwid, dahil ito ay nakarehistro bilang isang non-stock corporation bawal itong magbenta ng anomang bahagi o shares ng kompanya sa anomang kaparaanan.

Sa isang pahayag na inilabas ng Securities and Exchange Commission o SEC, lumalabas na ang KAPA ay humingi ng investment sa publiko nang walang kaukulang permiso galing sa ahensiya. Sa pamamagitan ng tinatawag na “donasyon” na ito ay kapalit ang habang-buhay na buwanang “blessings” o kita na nagkakahalaga ng 30% ng kanilang donasyon. Napakalaki ng tubo na pangako ng KAPA para sa mga namumuhunan kumpara sa mga ibinibigay ng ibang pinansyal na institusyon tulad ng bangko o stock exchange. Sa madaling sabi, kung may magbibigay ng “donasyon” sa halagang Php 10,000, mayroong Php 3,000 na inaasahang balik buwan-buwan. Gayunpaman, sa kabila ng suntok sa buwan na pangakong ito, marami pa rin ang naniwala at naging biktima.

Malaki ang implikasyon ng kawalan ng pinansiyal na kaalaman ng mga ordinaryong Pilipino sa kabila ng pagkakaroon ng liquid assets o pag-aaring madaling gawing cash o pera. Marami sa mga miyembro ng KAPA ay nasa mahihirap na probinsiya tulad ng Saranggani. Maraming nahihikayat na maglagak ng kapital sa KAPA dahil hindi pamilyar ang mga ordinaryong mamamayan sa uri ng mga pinansyal na instrument na ligtas at legal. Sa kaso ng KAPA, naging malawak ang impluwensiya nito sa mga tao dahil naikubli ang operasyon nito sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pagkagat ng mga miyembro sa panghihikayat ng KAPA ay tanda ng malalim na pagtitiwala ng maraming Pilipino sa simbahan bilang natatanging institusyon na hindi makagagawa ng anomang taliwas sa itinuturo nito.

Malaki ang pagkakahalintulad ng investment scheme ng KAPA sa Ponzi Scheme, isang investment program na nangangako ng napakataas na tubo o interes na kinukuha naman ang bayad mula sa mga bagong rekrut na mga miyembro ng grupo. Samakatwid, ang ibinabayad na tubo ay nagmumula sa mga bagong miyembro na naglalagak ng kanilang pinaghirapang pera sa KAPA. Sa isang ulat ng SEC, sinasabing “mathematically impossible” ang ginawang investment scheme ng KAPA dahil sa kanilang ipinangakong 30% monthly pay out, kakailanganin nilang maglabas buwan-buwan ng mahigit 15 bilyong piso para mabayaran ang lahat ng kanilang mga miyembro.

Relihiyon ba ay ang opyo ng masa?

Isa sa mga pangunahing pagkakatulad ng mga relihiyon ay ang paghingi ng mga donasyon o abuloy sa kanilang mga miyembro. Mahalaga ito sapagkat dito kumukuha ng pang-araw-araw na gastos ang mga simbahan. Tulad ng relihiyong Katolisismo, tumatanggap ito ng donasyon tuwing misa sa anomang kaparaanan, pera man o iba pang bagay. Gayundin ang ibang relihiyon tulad ng Iglesia ni Kristo na mayroong ikapo o maihahalintulad sa abuloy na buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito ngunit hindi rin sapilitan. Gaano nga ba kahalaga ang donasyon para sa mga simbahan?

Ayon kay G. Edwin P. Odulio ng Kagawaran ng Teolohiya ng Ateneo, “Bahagi na ng tradisyon ng simbahan ang donasyon. Ngunit [nagkakaroon ng problema] kung ang perang kinuha ay hindi napupunta sa misyon ng simbahan.” Sa kaniyang pagtalakay sa misyon ng simbahan, sinabi niya na ang pangunahing misyon ng bawat pananampalatayang Kristiyano ay ang pagpapahayag at pagsasabuhay ng ebanghelyo ng Diyos. Ngunit kung ito ay ginagamit sa mga pansariling interes at pagpapayaman ng iilan, malaking kabalintunaan ito sa misyon ng simbahan.

Ang pagkubli ng investment bilang mga abuloy o donasyon ay patunay na nagiging daluyan ng komersyalisasyon at panloloko sa mga miyembro ang ilang simbahan sa Pilipinas. Ito ang gahum na mayroon ang relihiyon. Naitatali nito ang mga miyembro na manatiling tapat sa simabahan dahil sa pangakong kaligtasan at kaalwan. Sa nakakaakit na pangalan ng samahan ng KAPA o Kubos Padatuon na ang ibig sabihin ay “payamanin ang mahihirap”, hindi kataka-taka na halos lahat ng mga miyembro nito ay mula sa masa o nasa laylayan ng lipunan — mga taong nais makaahon at mapabuti ang kalagayan ng buhay. Nakita nila ang kanilang pag-asa sa KAPA at itinuturing nilang sugo ng Diyos ang kanilang pastor.

Isang mahalagang tanong na kailangang sagutin ay kung dahilan nga ba ang relihiyon sa patuloy na paghihirap ng mga Pilipino.? Dahil ba sa relihiyon kung bakit nananatiling mangmang ang maraming Pilipino?

Kung pag-uusapan ang kahirapan, para kay G. Odulio, kung maraming mahirap sa mga miyembro ng simbahan, maaaring may mali sa pamamalakad ng simbahan. Maaaring sa pamunuan mismo ng simbahan nagmumula ang problema kung kaya marami ang naghihirap. Dagdag dito, makapangyarihan ang simbahan sa pag-impluwensiya sa kilos at galaw ng tao ngunit ang kakulangan ng simbahan sa paghubog ng pangkabuuang pag-unlad ng bawat indibidwal ay lantad at hayag na ipinapakita ng mga realidad sa lipunan.

Maliban sa kultural na ugnayan ng mga Pilipino sa relihiyon, mahalagang aspekto rin ng bawat tao ang pagkakaroon ng kasanayan at kaalamang pinansiyal upang maiging masuri ang mga bagay na may kinalaman sa pera. Mahalagang maging maalam at mapanuri ang mamamayan. Dahil sa impluwensiya ng mga simbahan sa buhay ng bawat Pilipino, malaking bahagi ang mga ito sa pag-unlad ng ating pagkatao. Maliban sa mga katuruan sa bibliya, marahil ay kinakailanagang bigyang-pansin din ng bawat relihiyon ang pagturo ng mga kaalamang pinansiyal sa mga miyembro nito. Kung relihiyon ang opyo ng masa, maaaring ito rin ba ang gamot sa suliraning ito?

--

--

Serendipeter
Serendipeter

Written by Serendipeter

College student in the morning; filmmaker, digital artist, writer, entrepreneur in the evening; astral traveler after midnight. He’s an eagle in his past life.