Komedyang Kay Ganda, Kay Ganda Ang Ating Komedya
Edi wow! Boom panes! Shunga! Mga katagang madalas marinig kung wala nang maisagot ang kausap mo. Maaaring nayayamot o sadyang nagpapatawa lang. Para sa karamihan ng “madlang pipol” ito ay nakatutuwa at nagiging dahilan pa ng halakhakan. Habang para sa iilan ito ay may halong pang-iinsulto. Mahilig tumawa at magpatawa ang mga Pilipino kung kaya hindi na palaisipan kung bakit Pilipinas ang pumangatlo sa pinakamasayahing bansa sa Timog-Silangang Asya, ayon sa pinakahuling sarbey ng United Nations World Happiness Index 2019.[1] Ayon kay Dr. Ancheta, ng Department of Comparative Literature, University of the Philippines Diliman, tumatawa tayo para manatiling buhay. Para sa mga Pilipino, ang mga bading ang magagaling at epektibong magpatawa. Kaya hindi na kataka-takang pinakapopular na mga komediyante sa telebisyon man o pelikula ay mga bading o nag-aarteng bading. Una nang gumanap na bading ang Hari ng Komedya na si Dolphy bilang Gloria sa isang pelikulang pinamagatang Jack en Jill noong 1954. [2] Malimit na papel ng mga bading ang maging mahina at mabungangang parloristang kaibigan ng pangunahing tauhan.[3] O hindi naman kaya ay kinakasama ng isang lalakeng nagigipit sa pera. Ganito ang stereotipikal na gampanin nila sa mga palabas at pelikulang may queer aesthetics o estetikong bading. Dahil dito, ito na rin ang naging depiksyon ng mga pelikula tungkol sa mga bading sa mga sumunod na dekada. Malaki ang kontribusyon ng pelikulang bading sa pagmulat ng kamalayang Pilipino tungkol sa marhinalisadong sektor na ito. Sa kasalukuyan, mahalagang pag-unlad sa industriya ng pelikula at telebisyon ang pagkakaroon ng pangunahing tauhan na bading. Isa na rito ang komedyanteng tinaguriang “The Unkabogable Star” na si Vice Ganda. Hindi matatawaran ang impluwensiya ni Vice sa paghubog at pagtanggap ng normatibong estetikang bading[4] sa mga aspektong sosyo-kultural ng lipunan. Gayunpaman, sa pagtangkilik ng mamamayang Pilipino sa uri ng kanyang komedya nagkakaroon ng tagisan sa pagitan ng konsumerismo laban sa pagpapahalaga, sining at adbokasiya.
Ang Vice Ganda Syndrome
Ang komedya sa Pilipinas ay sumasalamin sa buhay ng pangkaraniwang tao na tumatalakay sa sikolohiyang Pilipino — ang lakas ng loob at pagiging palabiro para makaiwas sa direktang komprontasyon. Datapwat, malalim ang sinasabi nito sa pagkatao ng mga Pilipino bilang mamamayang api na nagkukubli sa likod ng tawanan upang punan ang kakulangan o kapintasan. Hindi komprontasyunal ang mga Pilipino kung kaya idinadaan nalang sa tawanan ang mga seryosong usapin tulad ng politika, ekonomiya at lipunan. Hindi na bago ang ganitong uri ng pagpapatawa sapagkat naging palasak itong gamitin sa mga dula tulad ng komedya at zarsuela sa panahon ng Kastila. Dahil hindi maaaring hamunin ng mga Pilipino ang mga Kastila, idinaan na lamang ito sa mga satirikong palabas sa teatro na nang-uuyam sa mga maykapangyarihan sa lipunan. Ang ganitong uri ng panitikan ay naipadadaloy naman sa makabagong midyum na ginagamit ni Vice Ganda — ang standup comedy sa mainstream media.
Madaling hulihin ang kiliti ng mga Pilipino. Pinakamadali rito ang paggamit ng kapintasan ng tao sa pagpapatawa. Kung saan ang lechon ay di na lamang tumutukoy sa pagkain kundi naging wangis na ng tao. Habang ang airport ay hindi na lamang paliparan ng eroplano kundi bahagi na ng katawan ng tao. Mayroon din namang lalabas kang mangmang dahil sa mabilis na banat ng kausap at di ka na makakapag-isip ng itutugon. Halimbawa sa isang mall ay may parokyano na bibili ng damit. Mainit kung tumanggap ng mga parokyano ang mga sales lady kaya madalas ay bumabati sila at nagtatanong, ‘Sir bibili po kayo ng damit?’ Agad naman itong sasagutin ng parokyano, ‘Ay hindi, kakain po ako dito, ito nga po mag-oorder na ako ng isang bucket ng chicken joy saka isang platter ng spaghetti. Shunga!’ Malimit ganito ang uri ng pagpapatawang nakikita sa telebisyon at pelikula — sarkastiko at kritikal na may tonong nang-uuyam.[5] Ang sarkastiko at kritikal na pagpapatawa tulad nito ay mga sangkap ng tinatawag na Vice Ganda Syndrome. Ang penomenang ito ay binigyang-kahulugan ni Juan Mandaraya bilang isang ugali o asal ng taong namimilosopo na sobrang advance sumagot at nakakainis ang pangangatwiran. Sa pananaliksik ni Lablynn Yvette Bautista (2012), para sa mga kabataan, nakapagpapataas ng amor propio o pagpapahalaga sa sarili ang paggaya sa ganitong anyo ng pagpapatawa. Datapwat sa parehong pag-aaral din ay sinabing nagiging tulay ang ganitong uri ng pagpapatawa upang makapambulas o verbal bullying ng kapwa.
Kapansin-pansin ang pagbabago sa pag-uugali ng mga Pilipino, lalo na sa pakikitungo sa kapwa. Kung noon ay nahihimok na magtanong, ngayon ay ikikimkim na lamang dahil maaaring mapahiya at matawag na “shunga.” Ang pagtatanong na itinuturing na hakbang sa paghahanap ng kaliwanagan at kasagutan ay tila nagiging daan pa para magmukhang walang pinag-aralan o sa madaling salita, mangmang. Nakasanayan na ng mga Pilipino na bigyang-diin kung ano ang nakikita at hayag. Halimbawa ay nakita mo ang kaibigan mo sa isang coffee shop at sinabi mong ‘Oy andito ka pala?’ Karaka kang sasagutin na ‘Ay hindi! Hindi ako ‘to! Picture ko lang ‘tong nasa harap mo!’ Kung tutuusin, may punto nga naman na bakit pa nga ba natin tinatanong ang halata? Ngunit para sa mga Pilipino, ang ganitong pagtatanong ay isang pagbati — tanda ng pagkilala sa presensiya ng kinakausap. Kagaya din ng pagtatanong kung okay lang ba ang katabi mong nauntog sa dyip. O ’di kaya naman ay pagtatanong sa kaklase mo kung maaari ba siyang tumulong sa pangkatang gawain dahil wala pa siyang naiaambag. Hindi naman ito sa kawalan ng sentido kumon o common sense kundi marahil ay tanda pa rin ng pagiging di-kumprontasyunal ng mga Pilipino. Gayunpaman, nagkakaroon na ito ng bahid ng pagiging mangmang. Sa kabilang banda, mas mabuting mahiya nang saglit sa pagtatanong kaysa mahiya nang habambuhay sa pagkikimkim ng tanong.
Estetikong Bading sa Pelikulang Komedya
Ang pelikula bilang isang sining ng mabisang pagkukwento ay maituturing na mahalagang dokumento na sumasalamin sa lipunang Pilipino. Halimabawa ay ang mga pelikula ni Lino Brocka na siyang nagmulat sa sambayanan sa mga realidad na nangyayari. Isa siya sa mga nanguna sa paglikha ng mga pelikulang may estetikong bading tulad ng kaniyang obrang “Ang Tatay Kong Nanay” (1978), kung saan gumanap na protagonista ang komedyanteng si Dolphy bilang si Coring, isang bading na tumayong ama sa isang batang paslit. Isa itong pagtuligsa sa heteronormatibong lipunan na kinabibilangan ng protagonista. Masasabing malaki ang naging impluwensiya ng mga pelikulang katulad nito sa pagtanggap ng isang patriyarkal na bansa sa marhinalisadong lipunan ng mga LGBTQ+. Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang paglikha ng ganitong uri ng pelikula sa bagong genre na indie o independent films─mga pelikulang nililikha sa labas ng malalaking kumpanya o studyo. Maliit lamang ang budget ng mga indie films ngunit nagdadala ito ng bagong punto de vista tungkol sa mga realidad ng lipunan. Gayunpaman, malaking hamon pa rin para sa mga prodyuser ng indie films ang makisabay sa mga mainstream films na siyang tinatangkilik ng masa. Dahil sa malalaking studio company tulad ng Star Cinema at Viva Films, may malakas na makinarya ang mainstream cinema upang makahikayat ng mga manonood, maliban pa sa popularidad ng mga gumaganap sa pelikula.
Napakaraming pelikula ang nilikha at naipalabas sa nakalipas na mga taon. Sa kabila nito, naghihingalo na ang industriya ng pelikulang Pilipino ayon sa primyadong direktor na si Erik Matti tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng sine sa Pilipinas. Matamlay ang takilya sa mga lokal na palabas. Sang-ayon sa kaniyang pahayag ang pagbaba ng kita ng mga nakaraang pelikulang nilikha. Mayroong krisis sa industriya ng pelikula bilang isang negosyo dahil hindi na tumataya ang mga prodyuser sa mga pelikulang walang potensiyal kumita gaano man ito kahusay dahil sa malaking panganib ng pagkalugi. Halimbawa na lamang ang pelikulang “Rainbow’s Sunset” ni Joel Lamangan na humakot ng parangal sa 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF). Umiinog ang kwento sa isang 84-taong gulang na mister na minahal ang kaniyang matalik na kaibigang bading. Samakatwid, isa itong pelikulang may temang LGBTQ+ o estetikong bading. Sa kasamaang palad ay kaagad naman itong napull out sa ikalawang araw ng palabas dahil hindi pumatok sa mga manonood.[6] Ngunit kapansin-pansin na salungat ang nangyayari sa mga palabas ni Vice Ganda na kung tutuusin ay parehong queer film o pelikulang may estetikang bading at may temang tungkol sa LGBTQ+.
Taliwas sa sinabi ni Matti, ang mga datos sa mga pelikulang ang genre ay komedya sa nakaraang dekada ay may ibang ipinahihiwatig. Mas tinatangkilik ng mga Pilipino ang genre ng komedya lalo na ang pelikula ni Vice Ganda. Noong 2011, ang pelikulang “The Unkabogable Praybeyt Benjamin” ni Vice Ganda ang unang pelikula na nakaabot ng PHP 300 milyon sa takilya. Naging mas masigla ang industriya ng pelikula para kay Vice Ganda sa paglalagi ng kaniyang mga pelikula sa mga tinatangkilik ng mga manonood o top-grossing films sa sumunod na mga taon. Nang ipalabas ang kaniyang pelikulang “Sisterakas” (2012), kumita ito ng mahigit PHP 393 milyon; “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” (2013), PHP 421 milyon; “The Amazing Praybeyt Benjamin” (2014), PHP 440 milyon; “Beauty and the Bestie” (2015), PHP 540 milyon; “The Super Parental Guardians” (2016), PHP 598 milyon; “Gandarappido: The Revenger Squad” (2017), PHP 571 milyon; at Fantastica (2018), PHP 596 milyon. Sa madaling sabi, buhay na buhay ang industriya ng pelikula para sa genre ng komedya.[7] Subalit para kay Nick Deocampo, naging komersiyal na daluyan na lamang ang mga pelikula sa halip na maging katuwang sa pagpapamulat at pagbibigay-malay sa mga Pilipino. Ang queer films na tumatalakay sa marhinalisado ay naging makulay at kakatwang anyo na ng pelikula.
Sa paglapat ng estetikong bading sa ilang mga mainstream na pelikula, tila nawawalan na ng pagkamalikhain at substansiya ang mga palabas sa sine. Ang mga peliklula, tulad ng kay Vice Ganda ay umiinog na lamang sa kung paano makalilikha ng malaking kita. Isang kontradiksyon ang patuloy na pagtatangkilik ng mga pelikulang katulad nito sa kabila ng hindi makabuluhang pagtatalakay at pagbibigay hustisya sa kung ano ang kinakatawan ng mga ito sa lipunang Pilipino. Marahil hindi ang interes sa lokal na pelikula ang suliranin kundi sa kung anong uri ng pelikula ang tinatangkilik. Sapagkat kung ibabatay sa mga datos, nagiging lagusan lamang ang mga pelikula upang maging masaya at malibang. Sa paglapat ni Vice Ganda ng estetikong bading sa pelikulang komedya, nawawala ang bisa ng pelikula bilang isang sining na makapagluluwal ng mga kaisipang makapupukaw ng damdamin at kamuwangan.
Misrepresentasyon sa Mainstream Cinema
Malaking salik ang mainstream media sa paghubog ng isang lipunang mapagpalaya, subalit malaking salik din ito sa pagbuo ng lipunang may stereotipikal na pamantayan. Ang kultural na representasyon ni Vice Ganda bilang isang kabahagi ng LGBTQ+ ay naging mabisang pundasyon sa pagpanday ng isang lipunang tatanggap at magpapahintulot ng malayang pagpapahayag. Isang malaking hakbang ang pagkakaroon ng isang bidang bading at hindi lang nagpapanggap na bading sa mga mainstream na pelikula. Ang moving images ay epektibong paraan upang magbenta ng ideolohiya.[8] Gayunpaman, nagiging problematiko ito kung namisrerepresenta at nabibigyan ng ibang kahulugan ang mga napapanood kung kaya may pagtutunggalian sa pagtanggap at di pagtanggap sa mga LGBTQ+ sa ating lipunan. Dahil sa pagbibigay-pagkakataon na maging kinatawan ng marhinalisadong sektor ng lipunan, nabubuwag ang mga stereotipikal na pagtingin sa LGBTQ+. Ngunit kapansin-pansin na sa proseso ng pagbubuwag ay nakalilikha rin ng panibagong stereotype na tumataliwas sa ipinaglalabang adbokasiya.
Madalas na ang mga tauhang bading sa mga pelikula ay may katangiang mapusok, magarbong pananamit, marahas sa babae at nakakatawa. Ito ang kinagigiliwang itsura ng mga tauhang bading sa mga pelikula. Una, sa mga pelikula ni Vice Ganda, malimit na kaakibat ang ilang eksenang may katangiang mahalay tulad na lamang ng obhektipikasyon ng maskuladong kalalakihan. O ‘di kaya naman ay bading na umiibig ng isang lalaki kapalit ang materyal na bagay o pera. Ikalawa, ang kasuotan ay madalas makulay at magagara na tiyak kakaiba. Nariyan pa rin ang streotipikal na pagganap ng mga bading bilang parlorista o modista. Ikatlo, isa pang kumon na eksena sa mga pelikula ni Vice Ganda ay ang pananakit sa kababaihan pasalita man o pisikal. Madalas ang pinag-uugatan ng pagkamuhi ng isang bading sa isang babae ay dahil sa isang lalaki. Ikaapat, palaging nakakatawa ang karakter ng mga bading sa isang pelikula kung kaya madalas ay mga komedyante ang gumaganap. Mas tinatangkilik ng manonood ang mga pelikulang may estetikang bading na ang bida ay komedyante kaysa sa mga pelikulang drama na seryosong tumatalakay sa realidad ng buhay ng mga bading. Kung mahihinuha na ang pagtingin ng mga tao sa sektor ng LGBTQ+ ay nakabatay sa mga nakikita sa pelikula, malaking hamon ang misrepresentasyon na naidudulot ng mga karakter at istoryang nakikita sa mainstream media.
Dahil sa mga stereotipikal na karakter na ipinapakita sa mainstream cinema nagiging mas konkreto ang maling imahe ng LGBTQ+ sa mga Pilipino kung saan nagiging dahilan ito upang sila ay maging tampulan ng tukso at katatawanan sa lipunan. Malaking kabalintunaan na ang mga pelikulang dapat magdala ng adbokasiya ng mga marhinalisado ay siya pang nagpapalakas ng homopobikong pagtingin. Ang mainstream cinema bilang isang plataporma ay unti-unti nang nawawalan ng boses dahil na rin sa mismong pagkitil ng mga prodyuser dito na ang tanging hangad lamang ay pagkakitaan ang mga pelikulang papatok sa masa.[9] Para sa kanila, hindi na baleng walang mensaheng maiparating sa manonood basta kumikita ng limpak-limpak na pera at maipagpatuloy ang ganitong kalakaran sa industriya ng sine sa Pilipinas.
May mahalagang gampanin ang industriya ng pelikula sa paglinang ng mga kasisipang magsusulong ng adbokasiya ng mga marhinalisadong sektor.[10] Kaya marapat lamang na magkaroon ng disenteng representasyon ang mga marhinalisado na tiyak na maglalarawan sa realidad ng lipunan. Kinakailangang mahusay na maipabatid ang katuturan sa mga palabas na ipatatangkilik sa manonood bilang daluyan ng mga kuwentong makapagpababago ng kaisipan at status quo. Ang mga pelikulang komedya na may estetikong bading ay dapat tingnan bilang isang istruktura na dalumat ng mga suliraning kinakaharap sa lipunan sa halip na katatawanan at purong panlibangan lamang.
Malaking bahagi ng kulturang Pilipino ang tumawa dahil sa bawat halakhak ay nakalilimutan ang mabibigat na problema. Kung kaya hindi na kataka-taka na bumebenta sa mga pinoy ang sense of humor sa mga pelikula ng komedyanteng si Vice Ganda. Dahil sa uri ng pagpapatawa ni Vice na hango sa stand-up comedy, mabilis at matalino ang batuhan ng punchline at minsan ay hitik sa adlib o wala sa iskrip. Ngunit dahil magkaiba ang stand-up comedy sa mainstream comedy nagkakaroon ng iba’t ibang pakahulugan ang mga manonood sa bawat pagpapahayag na binibitawan niya.
Sa kabuuan, ang pagtanggap ng mga Pilipino sa normatibong estetikang bading sa uri ng kaniyang komedya ay may malaking sosyo-kultural na implikasyon. Una, ang pagtatangkilik sa uri ng satirikong pagpapatawa na batay sa sarkastiko at kritkal na pagpapahayag ay mapapansin sa pag-uugali ng kabataan kung saan ginagaya ang paraan ng pagpapahayag ng kanilang idolo. Dahil sa kultural na bisa ng mga pahayag ni Vice Ganda, nagiging malawak ang kaniyang impluwensiya lalo na sa kabataan. Ikalawa, ang pagbalikwas ng sining pampelikula dahil sa pagkiling sa komersiyo sa halip na maging plataporma ng marhinalisado at maging dalumat ng katotohanan sa lipunan. Ang pelikulang komedya ang tinatangkilik ng masang manonood dahil ito rin ang ipinapatangkilik ng mga prodyuser ng pelikula. Ikatlo, ang pagtutunggali ng adbokasiya sa mga pelikula ni Vice Ganda na may estetikang bading dahil sa misrepresentasyon at mga stereotipikal na imaheng nabubuo tungkol sa sektor ng LGBTQ+. Ang malayang paggalaw ng ideya dulot ng globalisasyon ang naging dahilan ng unti-unting pagbubukas ng kamulatan at isipan ng heteronormatibong lipunan sa pagpapahalaga, sining at adbokasiya. Gayunpaman, ang mga subkultura na kinakatawan ng mga pelikula ni Vice Ganda ay nagiging tereyn na komersyalisado na pinapatangkilik sa mamamayang Pilipino. Sa huli, ang normatibong estetikang bading sa komedya ni Vice Ganda ay hindi lamang isang paraan ng enterteynment o libangan kundi isang lagusan na bumabalik-tanaw sa pagkakakilanlan ng kung sino at ano tayong mga Pilipino sa globalisadong mundo. Patunay ito na ang komedyang Pilipino na kay ganda ay hindi lamang kay Ganda.
[1]1. “Philippines Happier Now Based on World Happiness Report 2019; Ranked 69th,” Coconuts Manila, Marso 21, 2019, inakses noong Abril 9, 2019, https://coconuts.co/manila/news/philippines-happier-now-based-world-happiness-report-2019-ranked-69th/.
[2] 2. Nick Deocampo, “Gaylikula — Industry Speaks: Nick Deocampo,” Oktubre 13, 2017. Audio Interview, 8:09. http://gaylikula.com/iteration2/thestories-industry/nickdeocampo/.
[3] 3. Ibid.
[4] 4. Ayon kay Rolando B. Tolentino (2010), “Ang estetikang bading ay ang bagong normatibidad ng neoliberal na kapitalismo.” Ang tanging nais lamang nito ay ang kumita sa pamamagitan ng kosumerismo.
5. Lablynn Yvette F. Bautista, “Sarcasm and Criticism as Basis of Filipino Humor: An Interactional Sociolinguistics Approach to Exchanges of Jokes among College Students,” Los Baños, Laguna, Oktubre 12, 2012.
[6] 6 6. Marinell R. Cruz, “Metro Film Fest Irony: Most Awarded Film Still Needs to Win Cinema Operator’s Nod,” Philippine Daily Inquirer, December 29, 2018, inakses noong Abril 23, 2019, https://entertainment.inquirer.net/311496/metro-film-fest-irony-most-awarded-film-still-needs-to-win-cinema-operators-nod.
[8]11. Tagudina, Iman, “Media Representation of the LGBT Community and Stereotypes’ Homophobic Reinforcement,” Department of Communication, Ateneo de Manila University, Setyembre 11, 2012.
[9]12. Nick Deocampo, “Gaylikula — Industry Speaks: Nick Deocampo,” Oktubre 13, 2017, Audio Interview, 8:09, http://gaylikula.com/iteration2/thestories-industry/nickdeocampo/.
[10] 13. Ibid.